Sunday, August 19, 2012

Pagninilay sa Ika-limang Istasyon: Tinanggap ni Hesus ang Kanyang Krus



Originally posted on April 1, 2010 via Multiply.com

************************************

Kilala tayong mga Pilipino bilang isang masayahin at masikap na lahi. Sa ano mang pagsubok sa ating buhay, nananatili tayong matatag at matiyaga. Walang urongan kung baga. Ang katangiang ito ay sinasalamin ng bagong TV show sa Kapuso Network, and Pepito Manaloto. Hindi po ba? Sapagkat naniniwala tayo sa gulong ng palad, minsan sa itaas, minsan naman sa ibaba ng buhay.

Gulong ng palad. Hindi po ba ganyan din ang nangyari kay Hesus nitong mga nakaraang araw? Dahil noon lamang nakaraang  Linggo ng Palaspas, buong tapang na pinagsigawan natin at ipinagmalaki sa buong mundo... Mabuhay ka Hesus, ang Hari na pinagpala ng Diyos!Ngunit ngayon, dito sa Ika-limang Istasyon, sa harap nating lahat, si Hesus as pinapasan natin ng kanyang krus. Gulong ng palad, kung baga.

Ano ba ang krus na tinanggap ni Hesus para sa atin? Nuong panahon niya, ang krus ang simbolo ng isang kriminal, mga naghimagsik laban sa mga Romano, at iba pang masamang tao sa lipunan. Kaya nga ang ipako sa krus na halos hubo't hubad sa harap ng maraming tao ay isang kahiya-hiya at kasuklam-suklam na karanasan ng isang kriminal.

Para bang tulad sa panahon natin ngayon, ang mahatulan mamatay sa electric chair o kaya lethal injection ay isang istigma sa pagkakaroon ng isang kriminal sa pamilya. Nahihiya tayo sa mapagsuring at mapagkutyang mata ng lipunan.

Ito po ang krus na tinanggap ni Hesus na pasanin para sa atin, walang imik, na parang isang maamong tupang kakatayin. At sa pagtanggap ni Hesus ng krus na iyan, binago niya ang simbolo ng krus at ang kahalagahan nang ipako sa krus. Kaya ngayon, sa ating mga taga-sunod ni Hesus, mga kristiyano sa buong mundo, ang krus ay nagbago ng anyo... ito'y isang sagisag nang walang kapantay na pagmamahal ng Diyos sa ating lahat.

Mga Kapatid, nasa ating harapan ang krus na tinanggap ni Hesus. Tingnan at masdan po nating mabuti. May dalawang bahagi ang krus na iyan, ang nakatayong putol ng kahoy, at ang nakahigang putol ng kahoy. Ano po ang kahulugan ng mga ito? Sa ating pagninilay, ang nakatayong bahagi ay nagpapaala-ala sa atin ng walang kapantay na pagmamahal ng Diyos sa ating lahat na tinubos ng dugo at kamatayan ng kangyang Anak na si Hesus. At ang nakahigang bahagi naman, ang ating inspirasyon na isabuhay ang pagmamahal ng Diyos sa ating pagmamahal at paglilingkod sa ating kapwa, tulad ng pagmamahal ni Hesus. Kaya nga po kung wala ang nakatayong bahagi o kaya ang nakahigang bahagi ng putol na kahoy, ay wala pong krus. Sapagkat wika ni Hesus, "Paano mo mamahalin ang Diyos na hindi nakikita kung hindi mo naman kayang mahalin ang kapwa mo na iyong nakikita?" O kaya paano tayo maninilbihan sa Panginoon kung ayaw natin paglingkuran ang mga nangangailangan nating kapatid na nasa ating piling?

Mga Kapatid, sa paggulong ng palad ng ating buhay, maging tayo man ay nasa itaas o sa ibaba, tanggapin at buong galak nating yakapin ang pang-araw-araw na krus na dumarating sa ating buhay, maging maliit man ito o malaki, tulad nang pagtanggap ni Hesus ng kanyang krus patungo sa Kalbaryo. Sapagkat sa ating paglalakbay dito sa lupa, ang krus ang nagsisilbing gabay natin tungo sa kaharian ng Ama sa muling pagkabuhay sa langit. Amen.

No comments:

Post a Comment